Noli Me Tangere (Buong
Kabanata)
Kabanata
I
Isang Handaan
Isang marangyang
salu-salo ang ipinag-anyaya ni Don Santiago de los Santos na higit na popular
sa taguring kapitan Tiago. Kabilang sa mga bisita ang bagong dating sa
Pilipinas na si Padre Damaso na nailabas ang kanyang mapanlait na ugali.
Kabanata
II
Si Crisostomo Ibarra
Ipinakilala ni
Kapitan Tiyago si Ibarra sa pagsasabing ito ay anak ng kanyang kaibigang
namatay at kararating lamang niya buhat sa pitong taong pag-aaral sa Europa.
Tulad ng kaugaliang Aleman na natutuhan ni Ibarra buhat sa kanyang pag-aaral sa
Europa, ipinakilala niya ang kanyang sarili sa mga nanduruong kamukha niyang
panauhin.
Kabanata
III
Ang Hapunan
Pinag-tatalunan
ng dalawang pari kung sino ang uupo sa isang dulo ng mesa. Sa tingin ni Padre
Sibyla, si Padre Damaso ang dapat umupo roon dahil siya ang padre kumpesor ng
pamilya ni Kapitan Tiyago. Pero, si Padre Sibyla naman ang iginigiit ng Paring
Pransiskano. Si Sibyla ang kura sa lugar na iyon, kung kaya’t siya ang karapat-dapat
na umupo. Maraming nakausap si Ibarra at pagkatapos ay nagpaalam ng uuwi
bagamat pnigilan ni Kapitan Tiago dahil dadating si Maria Clara ay hindi
nagpatinag ang binata.
Kabanata
IV
Erehe at Pilibustero
Naglakad-lakad si
Ibarra at nakilala niya si Tinyente Guevarra na pinakiusapan niyang magkwento
tungkol sa buhay ng kanyang ama dahil wala siyang nalalaman tungkol dito. Ayon
dito, ang kanyang ama ang pinakamayaman sa kanilang lalawigan bagamat siya ay
ginagalang ay kinaiinggitan. Pinagbintangan siyang nakapatay kaya
pinagbintangan siyang erehe at pilibustero.
Kabanata V
Pangarap sa Gabing Madilim
Sakay ng kalesa,
dumating si Ibarra sa Fonda de Lala. Mula sa bintana, natanaw niya ang isang
maliwanag na bahay sa kabila ng ilog. May isang magandang binibini na nababalot
ng manipis na habi,may suot na diyamante at ginto. Ang mga umpukan naman ng mga
Kastila, Pilipino, pari, intsik, militar ay nakatuon lahat sa kagandahan ni
Maria Clara.
Kabanata
VI
Si Kapitan Tiago
Ang katangian ni
kapitan Tiago ay itinuturing hulog ng langit. Siya ay pandak, di kaputian at
may bilugang mukha. Maitim ang buhok, at kung hindi lamang nanabako at
ngumanganga, maituturing na sya ay magandang lalaki. Dahil sa siya ay mayaman,
siya ay isang impluwensyadong tao. Siya ay malakas sa mga taong nasa gobeyerno
at halos kaibigan nya lahat ng mga prayle. Ang turing niya sa sarili ay isang
tunay na Kastila at hindi Pilipino.
Kabanata
VII
Suyuan sa Asotea
Nanlamig at
biglang nabitawan ni Maria Clara ang tinatahi ng may biglang tumigil na sasakyan
sa kanilang tapat. Nang maulinigan niya ang boses ni Ibarra, dali-daling
pumasok sa silid si Maria Clara. Tinulungan siya ni tiya Isabel na mag-ayos ng
sarili bago harapin si Ibarra. Nang magkita na sila ni Ibarra at nagtama ang
kanilang paningin, nakaramdam silang dalawa ng tuwa.
Kabanata
VIII
Mga Alaala
Habang binabagtas
ni Ibarra ang isang pook sa Maynila, marami siyang naalala. Kabilang dito ang
mga kalesa at karumatang hindi tumitigil sa pagbibiyahe, mga taong may
ibat-ibang uri ng kasuotan na katulad ng mga Europeo, Intsik, Pilipino, mga
babaing naglalako ng mga bungang-kahoy, mga lalakinh hubad na nagpapasan, mga
ponda at restauran at pati ang mga karitong hila ng mga makupad na kalabaw.
Kabanata
IX
Mga Suliranin Tungkol sa Bayan
May isang karwaheng
nakatigil sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago. Ang nakasakay sa loob nito ay si
Tiya Isabel at hinihintay na lamang na sumakay si Maria. Biglang dumating si
Padre Damaso at kinausap si Kapitan Tiago. Tutol si Padre Damaso sa
pakikipagmabutihan ni Maria Clara kay Ibarra.
Kabanata
X
Ang San Diego
Ang San Diego ay
isang karaniwang bayan sa Pilipinas na nasa isang baybayin ng isang lawa at my
malalapad na bukirin at palayan. Mula sa pinakamataas na bahagi ng simboryo ng
simbahan, halos natatanaw ang kabuuan ng bayan.
Kabanata
XI
Ang mga Makapangyarihan
Ang San Diego ay
maihahalintulad sa Roma at Italya sa mahigpit na pag-aagawan sa kapangyarihan
pamunuan ng bayan. Ang alperes at si Padre Salvi ang siyang makapangyarihan
dito.
Kabanata
XII
Araw ng mga Patay
Ang sementeryo ng
San Diego ay nasa kalagitnaan ng isang malawak na palayan at may bakod na
lumang pader at kawayan. Sa ibang bahagi ng libingan, may dalawang tao ang
humuhukay ng paglilibingan na malapit sa pader na parang babagsak na. Sinabi ng
naninigarilyong lalaki sa sepulturero na lumipat na sila ng ibang lugar
sapagkat sariwa at dumudugo pa ang bangkay na kanyang hinuhukay. Hindi niya
matagalan ang gayong tanawin.
Kabanata
XIII
Mga Unang Banta ng Unos
Dumating si
Ibarra sa libangan at hinanap ang puntod ng ama- si Don Rafael. Nakita nina
Ibarra at matanda ang sepulturero. Sinabi nila ang palatandaan ng libingan ni
Don Rafael. Tumango ang tagapaglibing. Pero nasindak si Ibarra ng ipagtapat ng
sepulturero na kanyang sinunog ang krus at itinapon naman ang bangkay sa lawa
dahil sa utos ni Padre Garrote.
Kabanata
XIV
Si Pilosopo Tasyo
Si Pilosopo Tasyo
ay dating Don Anastacio. Dahil sa katalinuhan, pinatigil saiya sa pag-aaral ng
kanyang ina dahil ang gusto nito para sa anak ay maging isang pari.
Kabanata
XV
Ang mga Sakristan
Si Crispin at
Basilio ay magkapatid na sakristan. Nagtatrabaho sila sa simbahan na taga
kampana na sineswelduhan lang ng 2.00 kada buwan. Pinapalo sila at
pinagbintangan na mgananakaw sa simbahan. Kapag nalaman ito ni Sisa ay
siguradong magagalit ito.
Kabanata
XVI
Si Sisa
Si Sisa ay
nakatira sa isang maliit na dampa na sa labas ng bayan. May isang oras din bago
marating ang kanyang tirahan mula sa kabayanan. Kapuspalad si Sisa sapagkat
nakapag-asawa siya ng lalaking iresponsable, walang pakialam sa buhay, sugarol
at palaboy sa lansangan. Si Sisa lamang ang kumakalinga kay Basilio at Crispin.
Dahil sa kapabayaan ng kanyang asawa, naipagbili niya ang mga alahas niya ng
siya ay dalaga pa. Minsan lang umuwi ang kanyang asawa at sinasaktan pa siya.
Kabanata
XVII
Si Basilio
Napatigagal si
Sisa nang dumating si Basiliong sugatan ang ulo. Dumadaloy ang masaganang dugo.
Tinanong ni Sisa kung bakit naiwan si Crispin. Sinabi ni Basilio na
napagbintangan na nagnakaw ng dalawang onsa si Crispin. Hindi niya sinabi ang
parusang natikman ng kapatid sa kamay ng sakristan mayor.
Kabanata
XVIII
Mga Kaluluwang Naghihirap
Dumeretso si Sisa
sa ksina ng kumbento. Nakiusap si Sisa sa tagapagluto kung maari niyang
makausap ang pari. Pero, sinabi sa kanyang hindi sapagkat may sakit ito.
Tinanong niya ang tagapagluto, Kung nasaan si Crispin. Ang sagot sa kanyang
tanong ay parang bombang sumabog sa kanyang pandinig: Si Crispin ay nagtanan
din pagkatapos na makapagnakaw ng dalawang onsa at pagkawala ng pagkawala ng
makapatid. Naipagbigay alam na ng alila sa utos ng kura ang pangyayari sa
kwartel. Ang mga guwardiya sibil ay maaring nasa dampa na nina Sisa upang
hulihin ang magkapatid, pagdiin pa ng alila.
Kabanata
XIX
Mga Suliranin ng Isang Guro
Kahit na dumaan
ang malakas na bagyo,ang lawa ay hindi gaanong nabagabag. Palibhasa ito ay
napapaligiran ng mga bundok. Sa tabi ng lawa, nag-uusap sina Ibarra at ang
binatang guro. Itinuro ng guro kay Ibarra kung saang panig ng lawa itinapon ang
labi ni Don Rafael.
Kabanata
XX
Ang Pulong sa Tribunal
Ang tribunal ay
isang malaking bulwagan na siyang pinagtitipunan at lugar na pulungan mga may
kapangyarihang mga tao sa bayan. May labing isang araw na lamang ang nalalabi
at pista na. Tinuligsa ni Don Felipo ang tinyente mayor at kapitan dahil malabo
pa ang mga paghahanda sa pyesta.
Kabanata
XXI
Mga Pagdurusa ni Sisa
Lito ang isip na
tumatakbong pauwi si Sisa. Matinding bumabagabag sa kanyang isip ang
katotohanang sinabi sa kanya ng kawaksi ng kura. Para siyang tatakasan ng
sariling bait sa pag-iisip kung paano maiililigtas sina Basilio at Crispin sa
kamay ng mga sibil. Tumindi ang sikdo ng kanyang dibdib nang papalapit na siya
sa kanyang bahay ay natanaw na niya nag dalawang sibil na papaalis na. Saglit
na nawala ang kaba sa kanyang dibdib.
Kabanata
XXII
Liwanag at Dilim
Magkasamang
dumating si Maria at ang kanyang Tiya Isabel sa San Diego para sa pistang
darating. Naging bukambibig ang pagdating ni Maria sapagkat matagal na siyang
hindi nakakauwi sa bayang sinilangan. Ipinakiusap ni Maria sa kasintahan na
huwag ng isama ang kura sa lakad nila sapagkat magmula ng dumating siya sa
bayan nilulukob siya ng pagkatakot sa tuwing makakaharap niya ang kura.
Kabanata
XXIII
Ang Piknik
Si Maria Clara ay
kaagapay ang mga matatalik nitong kaibigan na sina Iday, Victorina, Sinang at
Neneng. Habang naglalakad masaya silang nagkukuwentuhan at nagbibiruan.
Paminsan-minsa ay binabawalan sila ng mga matatandang babae sa pangunguna ni
Tiya Isabel. Pero, sige pa rin ang kanilang kuwentuhan.
Kabanata
XXIV
Sa Kagubatan
Pagkatapos na
makapagmisa ng maaga si Padre Salvi, nagtuloy ito sa kumbento upang kumain ng
almusal. May inabot na sulat ang kanyang kawaksi. Binasa niya ito. Kapagdaka’y
nilamutak ang liham at hindi na nag-almusal. Ipihanda niya ang kanyang karwahe
at nagpahatid sa piknikan.
Kabanata
XXV
Sa Tahanan ng Pilosopo
Nagpatuloy na
magkaroon ng tunggalian ng paniniwala sina Mang Tasyo at Ibarra. Ayon pa rin
kay Mang Tasyo ang gobyerno ay kasangkapan lamang ng simbahan. Na ito ay
matatag sapagkat nakasandig sa pader ng kumbento at ito ay kusang babagsak sa
sandaling iwan ng simbahan.
Kabanata
XXVI
Ang Bisperas ng Pista
Sa bahay ng mga
nakakariwasa,nakaayos ang minatamis na bungang kahoy,may nakahandang pagkain
,alka na binili pa sa Maynila na katulad ng hamon at ng relyenong
pabo,serbesa,tsanpan at iba pang klase ng alak na inangkat pa mula sa Europa.
Ang mga pagkain ganito ay inuukol sa mga banyaga,kaibigan o kaaway,at sa mga
Pilipino, mahirap man o mayamanupang masiyahan sila sa pista.
Kabanata
XXVII
Sa Pagtakip Salim
Sa lahat ng may
handaan sa pista ng San Diego, isa kay Kapitan Tiyago ang pinakamalaki. Sinadya
niyang higitan sa dami ng handa ang mga taga lalawigan dahil kay Maria at
Ibarra na kanyang mamanugangin.Dahil si Ibarra ay pinuri pa ng isang tanyag na
diyaryo sa Maynila sa pagsasabing siya ay bihasa at mayamang kapitalista,
Kastilang-Pilipino at iba pa.
Kabanata
XXVIII
Sulatan
Inilathala sa
isang malaganap na pahayagan sa Maynila ang tungkol sa pista. Ginawa ito upang
malaman ng banyaga na interesadong mabatid ang mga pamamaraan ng pagdaraos ng
pista ng mga Pilipino. Nakasaad sa dyaryo na walng makakatulad sa karangyaan ng
pista ng pinangangasiwaaan ng mga paring pransiskano, pagdalo ni Padre Hermando
Sybila, mga kakilala at mamamayang Kastila at ginoo ng gabinete, Batanggas at
Maynila.
Kabanata
XXIX
Ang Umaga
Ang mga tao ay
nagbihis na ng mga magara at ginamit ang mga hiyas na itinatago nila.Eksaktong
alas otso ng umaga, nang simula ang prusisyon. Ito ay dinaan sa ilalim ng tolda
at inilawan ng matatandang dalaga na kausap sa kapatiran ni San Francisco.
Naiiba ang
prusisyon kaysa sa nagdaang araw sapagkat ang mga nagsisilaw ay nakaabitong
ginggon. Sa suot na abito ay kaagad na makikilala ang mayayaman at mahihirap.
Kabanata
XXX
Sa Simbahan
Punong-puno ng
tao ang simbahan. Bawat isa ay gustong makasawsaw sa agua bendita. Halos hindi
na humihinga ang mga tao sa loob ng simbahan. Ang sermon ay binayaran ng P250,
ikatlong bahagi ng ibinayad sa komedya na magatatanghal sa loob ng tatlong
gabi. Naniniwala ang mga tao na kahit na mahal ang bayad sa komedya, ang
manonood dito ay mahuhulog sa impierno ang kaluluwa. Ang mga nakikinig naman sa
sermon ay tuloy-tuloy sa langit.
Kabanata
XXXI
Ang Sermon
Pinatunayan ni
Padre Damaso na kaya niyang magsermon sa wikang kastila at Tagalog. Humanga si
Pari Sibyla sa pagkabigkas ni Padre Damaso at si Padre Martin ay napalunok ng
laway dahil sa alam niyang higit na maagaling ang pambungad na iyon sa kanyang
sariling sermon.
Kabanata
XXXII
Ang Panghugos
Ipinakita ng
taong madilaw kay Nor Juan kung paano niya mapapagalaw ang pampakilos ng kalong
ang kanyang itinayo.
Sabi nito ay
mayroong walang metro ang taas , nakabaon sa lupa ang apat na haligi. Sa haligi
nakasabit ang malalaking lubid kayaq tila napakatibay ng pagkayari at
napakalaki. Ang bandang itaas naman ay mayroong banderang iba-iba ang kulay.
Kabanata
XXXIII
Malayang Kaisipan
Panauhin ni
Ibarra si Elias. Hiningi ni Elias sa binata na ipaglihim nito ang pagbibigay
niya ng babala sa kanya. Isa pa, si Elias ay nagbabayad lamang ng utang na loob
sa kanya. Ipinaliwanag din niya na dapat pa ring mag-ingat si Ibarra sapagkat
sa lahat ng dako ito ay mayroong kaaway.
Kabanata
XXXIV
Ang Pananghalian
Patapos na ang
tanghalian nang dumating si Padre Damaso. Lahat bumati sa kanya, maliban kay
Ibarra. Nahalata ng alkalde na panay ang pasaring ni Pari Damaso kay Ibarra.
Sinikap na ibahin nito ang usapan, pero patuloy ang pari sa pagsasaring. Walang
kibo na lamang si Ibarra. Pero, nang ungkatin ni Pari Damaso ang tungklol sa
pagkamatay ng ama ni Ibarrang may kasamang pag-aglahi. Sumulak ang dugo ni
Ibarra. Biglang dinaluhong niya si Pari Damaso at sasaksakin nito sa dibdib.
Pero, pinigilan siya ni Maria.
Kabanata
XXXV
Mga Usap-usapan
Ang mga pangyayaring
namagitan kina Ibarra at Padre Damaso ay madaling kumalat sa buong San Diego.
Sa mga usapan, hindi matukoy kung sino ang may katwiran sa dalawa. Handa ang
binata na dungisan ang kamay nito sa sinumang lumapastanganan sa kanyang ama.
Kabanata
XXXVI
Ang Unang Suliranin
Isang malaking
gulo ang nangyayari sa bahay ni Tiyago dahil sa hindi inaasahang pagdating ng
Kapitan-Heneral. Si Maria ay panay ang pagtangis at hindi pinakikinggan ang
payo ng kanyang ale at ni Andeng. Paano nga, pinagbawalan si Maria ng kanyang
ama na makipag-usap kay Ibarra habang hindi pa inaalis ang eskomonyon sa
binata.
Kabanata
XXXVII
Ang Kapitan-Heneral
Pagkadating ng
Kapitan-Heneral, ipinahanap niya kaagad si Ibarra. Samantala, kinausap muna
niya ang binatang Taga-Maynila na nagkamaling lumabas habang nagsesermon sa
misa si Padre Damaso. Ang paglabas ng binata sa simbahan ay ikinagalit ni
Damaso. Namumutla at nginig ang buong katawan ng binata ng pumasok siyang
kausapin ng Heneral. Ngunit, ng lumabas na ito, nakangiti na siya. Ito ay tanda
ng mabuting ugali ng Kapitan-Heneral. Mayroon siyang panahon basta sa
katarungan.
Kabanata
XXXVIII
Ang Prusisyon
Ang nakakatulig
na paputok at sunod-sunod na pagdupikal ng mga batingaw ay nagbabadyang
inilabas na ang prusisyon. Ang mga binata na halos lahat ay mayroong dalang
sinding parol. Kasamang naglalakad ni Kapitan Heneral ang mga kagawad, si
Kapitan Tiyago, ang alkalde, ang alperes at si Ibarra at patungo sa bahay ng
kapitan.
Kabanata
XXXIX
Si Donya Consolacion
Kahit na
napatapat ang prusisyon sa bahay ni Donya Consolacion ay pinid na pinid. Nang
umagang iyon, ang asawa ng alperes at paraluman ng mga guwardiya sibil ay hindi
nakapagsimba. Paano hindi siya pinayagang lumabas ng kanyang asawa. Ikinahihiya
ng alperes ang katawa-tawang pagdadamit nito. Ang kanya namang amoy katulad ng
kalaguyo ng mga guwardiya sibil. Pero, para sa sarili ni Donya Consolacion siya
ay higit pa ngang maganda kaysa kay Maria Clara.
Kabanata
XL
Ang Karapatan at Lakas
Mag-iikasampu na
ng gabi ng paisa-isang sindihan ang mga kuwitis. Ang huling pailaw ay parang
bulkan habang ang daan ay naliliwanagan ng ‘luces de Bengala’ na siyang
nagsisilbing ilaw sa mga taong naglalakad patungo sa liwasang bayan. Tapos na
ang unang bahagi ng dula nang pumasok si Ibarra. Umugong ang bulungan, pero
hindi ito pinansin ni Ibarra. Malugod na binati niya ang kasintahan at ang mga
kasama nito.
Kabanata
XLI
Dalawang Dalawa
Dahil sa nangyari
hindi dalawin ng antok si Ibarra, kaya naisipan nitong gumawa sa kanyang
laboratoryo. Pamaya-maya pumasok ang kanyang utusan at sinabing mayroon siyang
panauhing taga-bukid. Pinapatuloy niya ito ng hindi man lamang lumilingon. Ang
kanyang panauhin ay si Elias. Tatlo ang pakay ni Elias sa pagpunta niya kay
Ibarra. Una, ay upang ipaalam na nilalagnat o may sakit si Maria Clara.
Ikalawa, magpapaalam na siya kay Ibarra sapagkat nakatakda siyang magtungo sa
Batangas at ikatlo, itatanong niya sa binata kung wala itong ipagbibilin sa
kanya. Hinangad ni Ibarra ang maluwalhating paglalakbay ni Elias.
Kabanata
XLII
Ang Mag-asawang De EspadaƱa
Dumating sa bahay
ni Kapitan Tiago sina Dr. Tiburcio de Espadana, na inaanak ng kamag-anak ni
Pari Damaso at tanging kalihim ng lahat ng ministro sa Espanya at ang kanyang
asawa na si Donya Victorina na sa biglang tingin ay napapagkamalang isang
Orofea.
Kabanata
XLIII
Mga Balak o Panukala
Ipinakilala ni
Donya Victorina si Linares. Sinabi ni Linares na siya ay anaanak ng bayaw ni
Damaso na si Carlicos. Ibinigay ni Linares ang sulat sa pari na binasa naman
niya. Lumitaw na si Linares ay nangangailangan ng trabho at mapapangasawa. Ayon
kay Damaso madali niyang maihanap ng trabaho ang binata sapagkat ito ay
tinanggap na abogado sa Universidad Central. Tungkol naman sa pag-aasawa,
sinabi ni Damaso na kakauapin nila si Tiyago.
Kabanata
XLIV
Pagsusuri sa Budhi
Nabinat si Maria
pagkatapos na makapagkumpisal. Sa kanyang pagkahibang walang sinasabing
pangalan kundi ang pangalan ng kanyang inang hindi man lamang nakikilala.Siya
ay binabantayang mabuti ng kanyang mga kaibigang dalaga. Si Tiyago naman ay
nagpamisa at nangako na magbibigay ng tungkod na ginto sa Birhen ng Antipolo.
Unti-unti namang bumaba ang lagnat ni Maria.
Takang-taka naman
si Don Tiburcio sa naging epekto ng gamot na inireseta niya sa dalaga. Sa
kasiyahan ni Donya Victorina hindi niya nilabnot ang pustiso ng asawa.
Kabanata
XLV
Ang mga Pinag-uusig
Ipinahayag ni
Elias Kay Matandang Pablo na siya ay nagkapalad na makilala at makatulong sa
isang binatang mayaman, matapat, may pinag-aralan at nag-iisang anak ng isang
taong marangal na hinamak din ng isang pari, maraming kaibigan sa Madrid
kabilang na ang Kapitan-Heneral. Bilang pagbibigay diin, tiniyak ni Elias sa
matanda na makakatulong daw ang binatang ito sa kanilang pagnasang maipaabot sa
heneral ang mga hinaing ng bayan.
Kabanata
XLVI
Ang Sabungan
Katulad din ng
iba pang bayan ng Pilipinas, may sabungan din sa San Diego. Nasa loob ng
sabungan sina Kapitan Pablo, Kapitan Basilio at Lucas. Habang hindi magkamayaw
sa pagpusta ang ilang sabungero sa gagawing pagsusultada, ang dalawang binatang
magkapatid na sina Tarsilo at Bruno ay naiinggit sa mga pumupusta.
Kabanata
XLVII
Ang Dalawang Senyora
Habang
nakikipaglaban ang lasak ni Kapitan Tiyago, magkaakbay naman na namamasyal sina
Donya Victorina at Don Tiburcio upang malasin ang bahay ng mga Indio. Nang
mapadaan ang Donya sa tapat ng bahay ng alperes nagkatama ang kanilang mga
paningin. Parehong matalim. Tiningnan ng alperes ang Donya mula ulo hanngang
paa, ngumuso at dumura sa kabila. Sinugod ng Donya ang alperes at nagkaroon ng
mainitang pagtatalo… Binanggit ng Donya ang pagiging labandera ng alperesa
samantalang pinagdidikdikan naman ng huli ang pagiging pilay at mapagpanggap na
asawa ng Donya. Puyos sa galit, Habang hawak na mahigpit ang latigo ng alperes
na nanaog si Donya Consolacion, upang daluhugin si Donia Victorina. Pero, Bago
mag-pang-abot ang dalawa, dumating ang alperes. Umawat si Don Tiburcio. Ang
pangyayari ay sinaksihan ng maraming tao na nakatawag pansin ng kanilang
pagtatalakan.
Kabanata
XLVIII
Ang Talinhaga
Sinabi ni Ibarra
sa kasintahan ang dahilan ng kanyang hindi pinasabing pagdalaw. Nakatingin
lamang sa kanya si Maria na parang inuunawa ang bawat katagang namutawi sa
kanyang labi. Malungkot si Maria, kaya nakuro ni Ibarra na bukas nalamang siya
dadalaw.Tumango ang dalaga. Umalis si Ibarra na ang puso ay ginugutay ng
matinding pag-aalinlangan, gulo ang kanyang isip.
Kabanata
XLIX
Ang Tinig ng mga Pinag-uusig
Nang lumulan si
Ibarra sa bangka ni Elias, waring ito ay hindi nasisiyahan. Kaya, kaagad na
humingi ng paumanhin si Elias sa pagkagambala niya sa binata. Hindi na
nag-aksaya ng panahon si Elias sinabi niya kaagad kay Ibarra na siya ang sugo
ng mga sawimpalad. Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan ng puno ng mga tulisan
(Si Kapitan Pablo) na hindi na binanggit pa ang mga pag-aalinlangan at
pagbabala.
Kabanata
L
Ang mga Kaanak ni Elias
Isinalaysay ni
Elias ang kanyang kasaysayan kay Ibarra upang malaman nito na siya ay kabilang
din sa mga sawimpalad. May 60 taon na ang nakakalipas, ang kanyang nuno ay
isang tenedor de libros sa isang bahay- kalakal ng kastila.Kasama ng kanyang
asawa at isang anak na lalaki, ito ay nanirahan sa Maynila.Isang gabi nasunog
ang isang tanggapang pinaglilingkuran niya. Isinakdal ang kanyang nuno sa
salang panununog. Palibhasay maralita at walang kayang ibayad sa abogado, siya
ay nahatulan. Ito ay ipinaseo sa lansangan na nakagapos sa kabayo at pinapalo
sa bawat panulukan ng daan. Buntis noon ang asawa, nagtangka pa ring humanap ng
pagkakakitaan kahit na sa masamang paraan para sa anak at asawang may sakit.
Nang gumaling ang sugat ng kanyang nuno, silang mag-anak ay namundok na lamang.
Nanganak ang babae, ngunit hindi nagtagal namatay ito. Hindi nakayanan ng
kanyang nuno ang sapin-saping pagdurusang kanilang natanggap. Nagbigti ito.
Hindi ito naipalibing ng babae. Nangamoy ang bangkay at nalaman ng mga
awtoridad ang pagkamatay ng asawa.Nahatulan din siyang paluin.Pero, ito ay
hindi itinuloy at ipinagpaliban sapagkat dalawang buwan siyang buntis nuon.
Gayunman, pagkasilang niya, ginawa ang hatol.
Kabanata
LI
Mga Pagbabago
Hindi nakaimik si
Linares sapagkat nakatanggap siya ng liham mula kay Donya Victorina. Alam ni
Linares na hindi nagbibiro ang Donya. Kailangang hamunin niya ang alperes
subalit sino naman kaya ang papayag na maging padrino niya, ang kura kaya o si
Kapitan Tiyago. Pinagsisisihan niya ang kanyang paghahambog at pagsisinungaling
sa paghahangad lamang na makapagsamantala. Labis siyang nagpatianod sa kapritso
ng Donya.
Kabanata
LII
Ang Baraha ng Patay at ang mga Anino
Madilim ang gabi
at malamig ang ihip ng hangin pumapaspas sa mga dahong tuyo at alikabok ng
makipot ng daang patungo sa libingan. May tatlong anino na paanas na naguusap
sa ilalim ng pinto ng libingan. Itinanong ng isa kung nakausap na niya ng
kaharap si Elias. Hindi raw pero siguradong kasama ito sapagkat nailigtas na
minsan ni Ibarra ang buhay nito. Tumugon ang unang anino na ito nga ay pumayag
na sumama sapagkat ipapadala ni Ibarra sa Maynila ang kanyang asawa upang
ipagamot. Siya ang sasalakay sa kumbento upang makaganti siya sa kura.
Kabanata
LIII
Ang Mabuting Araw ay Nakikilala sa Umaga
Kinabukasan ng
umaga, kumalat ang balita tungkol sa mga ilaw na nakita sa libingan ng
nakaraang gabi. Sa paniniwala ng mga puno ng mga kapatiran ni San Francisco,
may 20 ang nakita niyang kandila na sinindihan. Panaghoy at paghikbi naman ang
narinig ni Ermana sipa kahit na malayo ang kanyang bahay sa libingan. Sa
pulpito, binigyang diin naman ng kura sa kanyang sermon ang tungkol sa kaluluwa
sa purgartoryo.
Kabanata
LIV
Lahat ng Lihim ay Nabubunyag at Walang Di
Nagkakamit ng Parusa
Tinulungan ni
Elias si Ibarra sa pagpili ng mga kasulatan. Sa mga kasulatan, nabasa niya ang
tungkol kay Don Pedro Eibarramendia at tinanong niya kay Ibarra kung ano ang
relasyon nito sa kanya. Halos nayanig ang buong pagkatao ni Elias nang sabihin
ni Ibarra na iyon ang kanyang nuno na ipinaikli lamang ang apilyido. Isa pa,
ito ay isang Baskongado. Natagpuan na ng piloto ang lahing lumikha ng matinding
kasawian sa kanilang buhay.
Kabanata
LV
Ang Pagkakagulo
Oras ng hapunan
pero nagdahilan si Maria na wala siyang ganang kumain. Nakatakdang dumating sa
ikawalo ng gabi si Ibarra. Ika-walo rin ng gabi ang nakatakdang paglusob sa
kumbento at sa kwartel. Nang sumapit ang ikawalo, napaupo sa isang sulok ang
pari samantalang ang magkaibigan ay hindi malaman ang gagawin. Nang tumugtog
ang kampana, silang lahat ay tumindig upang magdasal.
Kabanata
LVI
Ang mga Sabi at Kuro-kuro
Hanggang sa
kinabukasan sakmal pa rin ng takot ang buong bayan ng San Diego. Ni isa mang
tao ay walang makitang naglalakad sa gitna ng daan. Tahimik na tahimik ang
buong paligid. Pamaya-maya, isang bata ang naglakas loob na magbukas ng bintana
at inilibot ang paningin. Dahil sa ginawa ng bata, nagsisunod ang mga iba na
magbukas ng bintana. Ang mga magkakapit-bahay ay nagbalitaan. Lubhang
kalagim-lagim daw ang nagdaang gabi tulad noong mandambong si Balat. Sa
kanilang pag-uusap, lumilitaw na si Kapitan Pablo raw ang sumalakay.
Kabanata
LVII
Vae Victus! Sa Aba ng Mga Manlulupig
Tarsilo Alasigan
ang tunay na pangalan ni Tarsilo. Pilit siyang tinatanong kung kaalam si Ibarra
sa nasabing paglusob. Ngunit, iginigiit din niyang walang kamalay-malay si
Ibarra sapagkat ang ginawa ay upang ipaghiganti ang kanilang amang pinatay sa
palo ng mga sibil. Dahil dito, iniutos ng alperes na dalhin si Tarsilo sa
limang bangkay, ito ay umiling. Nakita niya ang kanyang kapatid na si Bruno sa
tadtad ng saksak, si Pedro na asawa ni Sisa at ang kay Lucas na may tali pang
Lubid sa leeg. Dahil sa patuloy itong walang immik kahit sa sunod-sunod ang
pagtatanong sa kanya. Nagpuyos sa galit ang alperes. Iniutos na paluin ng
yantok si Tarsilo hanggang sa magdugo ang buong katawan nito.
Kabanata
LVIII
Ang Sinumpa
Tuliro at balisa
ang mga pamilya ng mga bilanggo. Nakakapaso ang sikat ng araw, ngunit ang mga
babae ay ayaw umalis. Mag-iikalawa ng hapon ng dumating ang isang kariton na
hila ang isang baka. Tinangka ng mga kaanak ng mga bilanggo na sirain at
kalagan ang mga hayop na humihila sa kariton. Pero pinagbawalan sila ni
Kapitana Maria at sinabing kapag ginawan nila iyon, mahihirapan sa paglakad ng
kanilang ka-anak ng bilanggo. Pagkakita kay Ibarra ng mga tao, biglang umugong
ang salitaan na kung sino pa ang may sala ay siya pa itong walang tali. Dahil
dito ay inutusan ni Ibarra na gapusin siya ng mga kawal ng abot-siko.
Kabanata
LIX
Pag-ibig sa Bayan
Ang ginawang
pagluson ng mga naapi o sawimpalad ay nakarating at napalathala sa mga diyaryo
sa Maynila. Iba rin ang balitang nagmula sa kumbento. Iba-iba ang estilo ng mga
balitang lumaganap. Sa ibang kumbento naman ay iba ang pinag-uusapan. Ang mga
nag-aaral daw sa mga heswita sa Ateneo ay lumalabas na nagiging pilibustero. Sa
kabilang dako sa isang pagtitipon sa Intramuros na dinaluhan ng mga dalaga, mga
asawa at mga anak ng kawani ang tema ng kanilang pag-uusap ay ang tungkol din
sa naganap na pag-aalsa. Ayon sa isang lalaking komang galit na galit daw ang
heneral kay Ibarra sapagkat naging napakabuti pa nito sa binata. Sinabi naman
ng isang ginang na talagang walang utang na loob ang mga indio kaya’t di dapat
silang ituring na mga tunay na tao.
Kabanata
LX
Ikakasal na si Maria Clara
Dumating sa bahay
ni Tiyago si Linares at ang mag-asawang de EspadaƱa na kapwa itinuring na
pangkat ng makapamahalaan. Sinarili ni Donya Virtorina ang usapan. Sinabi na
kung babarilin si Ibarra, iyon ang nararapat sapagkat siya ay isang
pilibustero. Bagama’t namumutla at mahina si Maria, kanyang hinarap ang mga
bisita. Humantong ang usapan tungkol sa pagpapakasal nina Maria at Linares.
Nagkayarian din na magpapapista si Tiyago. Sinabihan niya si Tiya Isabel na
kung ano ang nasa loob ni Maria tungkol sa napipinto nitong pakikipag-isang
dibdib. Sa wari, desidido na si Tiyago na ipakasal si Maria sapagkat
nakini-kinita niyang siya’y maglalabas-masok sa palasyo sa sandaling maging
manugang niya si Linares. Si Linares ang tagapayo ng Kapitan Heneral, kaya’t
inaakala ni Tiyago na siya ay kaiinggitan ng mga tao.
Kabanata
LXI
Ang Barilan sa Lawa
Habang mabilis na
sumasagwan si Elias, sinabi niya kay Ibarra na itatago siya sa bahay ng isang
kaibigan sa Mandaluyong. Ang salapi ni Ibarra na itinago niya sa may puno ng balite
sa libingan ng ninuno nito ay kanyang ibabalik upang may magamit si Ibarra sa
pagpunta nito sa ibang bansa. Nasa ibang lupain daw ang katiwasayan ni Ibarra
at hindi nababagay na manirahan sa Pilipinas, dahil ang buhay niya ay hindi
inilaan sa kahirapan. Inalok ni Ibarra na magsama na lang sila ni Elias, tutal
pareho na sila ng kapalaran at magturingan na parang magkapatid. Pero, tumanggi
si Elias.
Kabanata
LXII
Ang Pagtatapat ni Padre Damaso
Hindi napansin ni
Maria ang maraming regalo na nakabunton sa itaas ng hapag. Ang mga mata niya ay
nakapako sa diyaryong nagbabalita tungkol sa pagkamatay o pagkalunod ni Ibarra.
Pero, hindi naman binabasa ni Maria ang dyaryo. Pamaya-maya dumating si Pari
Damaso na hinilingan kaagad ni Maria na sirain ang kasunduan ng kanyang kasal
kay Linares at pangalagaan ang kapakanan ng ama. Sinabi ni Maria na ngayong
patay na si Ibarra walang sinumang lalaking kanyang pakakasalan. Dalawang bagay
na lamang ang mahalaga sa kanya, ang kamatayan o ang kumbento.
Napagmuni ni Pari
Damaso na pinaninindigan ni Maria ang kanyang sinabi, kaya humingi ito ng tawad
sa kanya. Napahagulgol pa ito ng malakas habang binibigyan diin niya ang walang
kapantay na pagtingin kay Maria. Wala siyang nagawa kundi pahintulutan na
pumasok sa kumbento si Maria kaysa piliin nito ang kamatayan.
Kabanata
LXIII
Ang Noche Buena
Noche buena na,
ngunit ang mga taga-San Diego ay nangangatog sa ginaw bunga ng hanging amihan
na nagmumula sa hilaga. Hindi katulad ng nakaraan na masayang-masaya ang mga
tao. Ngunit ngayon lungkot na lungkot ang buong bayan. Wala man lamang
nakasabit na mga parol sa bintana ng bahay. Kahit na sa tahanan ni Kapitan
Basilio ay wala ring kasigla-sigla. Kausap ng kapitan si Don Filipo na
napawalang sala sa mga bintang na laban dito nang mamataan nila si Sisa na isa
ng palaboy pero hindi naman nananakit ng kapwa.
Nakarating na si
Basilio sa kanilang tahanan. Pero, wala ang kanyang ina. Paika-ika niyang
tinalunton ang landas patungo sa tapat ng bahay ng alperes. Nanduon ang ina,
umaawit ng walang katuturan. Inutusan ng babaing nasa durungawan ang sibil na
papanhikin si Sisa. Subalit nang makita ni Sisa ang tanod, kumaripas ito ng
takbo. Takot. Hinabol ni Basilio ang ina, pero binato siya ng alilang babaing
nasa daan.
Kabanata
LXIV
Katapusan
Magmula ng
pumasok sa kumbento si Maria, nanirahan na si Padre Damaso sa Maynila. Namatay
si Padre Damaso sa sama ng loob. Sa kabilang dako, si Padre Salvi habang
hinihintay niya ang pagiging obispo ay nanungkulan pansamantala sa kumbento ng
Sta. Clara na pinasukan ni Maria Clara. Kasunod nito ay umalis na rin sa San
Diego at nanirahan na sa Maynila. Ilang linggo naman bago naging ganap na
mongha si Maria, si Kapitan Tiyago ay dumanas ng sapin-saping paghihirap ng
damdamin, nangayayat ng husto, naging mapag-isip at nawalan ng tiwala sa mga
kainuman. Pagkagaling niya sa kumbento, sinabihan niya si Tiya Isabel na umuwi
na ito sa Malabon o sa San Diego sapagkat gusto na lamang mabuhay mag-isa.
No comments:
Post a Comment